Ito na.
Kalayaan para magsulat at maipamahagi ang nasa loobin ko. Pero ano nga ba ang masasabi o maisusulat ng isang taong di naman sigurado kung paano ang magiging tema ng blog na ito? Mas maganda siguro kung mag-uumpisa tayo kung galing saan yung pangalan ng blog: Maamong Sibuyo. Nanggaling ito sa salitang Ingles na Gentle Passion na nabasa ko sa librong Murphy ni Samuel Beckett. Hindi ko na i-iikspleka kung ano ang ibig sabihin noon, pero mas maganda na bilhin at basahin nyo lang.
Tungkol naman sa pseudonym ko: Timawa. Ito nama’y tungkol sa mga Timawa ng Visayas nung bago pa dumating ang mga Kastila. Sila’y natanyagang mga magagaling at matatapang na mandirigma. Kaya lang nung dumating at nanalo ang mga banyaga, nag-iba ang ibig sabihin ng Timawa: ito’y naging “malayang tao”. Dito ko na naisipan na gamitin itong handle dahil gusto kong maging malaya ang lahat. Kaya lang ang kalayaan na ito’y merong kapalit–ang responsibilidad na itaguyod at panatilihin ang pinaghirapang kalayaan.
Marami na akong naging blog dati, pero ngayon lang ako nag desisyon na mag sulat sa Filipino. Hindi naman sa di ko kayang mag sulat sa Ingles, pero naniniwala ako na mas importante na maintindihan ako ng isang Pinoy kahit saan at ano mang gulang, basta’t marunong syang magbasa, para sa ganun, walang magkakamali sa interpretasyon masyado.
Ayun, tapos na.